Nagsimula na kahapon, May 5, ang garage sale ni Francine Prieto na ginanap sa D Vamps Restobar sa may Hobbies of Asia, Macapagal Avenue.
Hanggang bukas, May 7, daw ang pagbebenta niya at natutuwa naman siya dahil ang dami na raw bumibili sa kanya.
Naipon na raw ang mga gamit niya kaya kailangan na niyang i-dispose.
Bilang paghahanda na rin daw ito sa paghahanap niya ng bagong bahay kapag maibenta na niya ang bahay nila ngayon na naka-loan pa sa bangko.
"Yung loan ko, hanggang December na lang this year, e.
"So, next year, kung saka-sakaling meron na akong makitang bahay, puwede na akong... At least, maglu-loan ulit ako, hindi na yung dodoble-doble pa."
Ito ang pahayag ni Francine nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanyang garage sale.
SIBLING RIVALRY. Matagal nang may mga naglalabasang intriga tungkol sa pagbebenta ng bahay ni Francine, na pinag-aawayan daw nila ng kanyang half-brother na umabot pa sa death threat laban sa dating sexy actress.
Ayon kay Francine, "Parang meron akong kapatid at pinipilit niyang sabihin na parang ano, na sa lolo niya daw yun [bahay], parang ganun.
"Pero ang akin naman, dinagdag lang naman, e. Tapos yung nagpapatuloy naman nun, ako na lahat nagbabayad, ako naman lahat.
"So, sabi ko, para wala nang gulo, pag nabenta yung bahay, ibibigay ko yung share nila para wala nang masabi.
"Sabi ko, yun lang naman yun, e."
Nababasa na noon pa sa mga ipinu-post ni Francine sa kanyang Twitter account ang mga hinanakit nito sa kanyang kapatid.
"Sabi ko nga dati, parang tingin niya sa akin, human ATM. Siyempre, nagtatrabaho lang naman ako, di ba?
"E, kumbaga, binibigyan ko naman sila ng allowance monthly. Tapos siyempre, libre na sila ng pagkain. Sa bahay, libre ng tira sa bahay.
"Kung tutuusin, hindi na sila bata. Yung edad nila, puwede na silang magkaroon ng sarili nilang pamilya.
"Hindi na sila dapat umaasa sa akin, at lalung-lalo na, lalaki pa man din sila, di ba?
"Hindi naman ako madamot, pero huwag namang abusado.
"Kasi kung abusado naman, siyempre parang grabe naman, sobra naman, di ba?
"Parang ibinigay mo na nga yung kamay mo, gusto pa buong braso mo."
Paliwanag ni Francine, "Nag-start lang yun, ibinenta ko yung isang sasakyan namin, na sasakyan ko yun.
"Pero feeling niya [her half-brother] kasi, kanya yung sasakyan. So, mula nun, parang nagalit na siya.
"May usapan naman kami na kung kailan ko siya ibebenta, tatapusin lang yung school niya. So, tapos na, ibebenta ko na.
"Kailangan ko pang nakawin yung sarili kong sasakyan para lang maibenta!"
NOT ON SPEAKING TERMS. Hindi na raw sila ngayon nag-uusap at wala na silang komunikasyon ng kanyang half-brother.
Matindi na raw kasi ang away nila na umabot na nga sa mga pagbabantang hindi na raw maganda laban sa kanya.
"May sinasabihan siya na tao. Parang kapag hindi daw siya nakapagpigil, baka kung ano daw ang magawa niya sa akin.
"Yun ang sinasabi niya, e. Siyempre pag nag-aalitan na kayo, di ba? Iba na yun.
"Kaya yun minsan, nagpapatulong ako sa mga kaibigan ko na, alam mo yun? Sige na, anuhin niya ito, kasi para lang mawala lang siya sa akin."
Ayaw nang idetalye pa ni Francine ang mga ginagawa ng kapatid niya kapag nasa bahay ito.
Pero nadidismaya lang daw siya dahil siya pa rin naman daw ang gumagastos sa pagpapaayos kapag may sinisira ang kapatid niya.
"Nagtanong na rin ako kung puwede ko siyang ipahuli o ano, kasi may mga ginagawa na siyang hindi ko gusto.
"Pero sinasabi raw, hindi mo raw puwedeng ipakulong ang sarili mong kapatid.
"Siyempre, magkakaroon ng negative effect yun sa akin. Kasi dito sa atin, napakaimportante ng pamilya.
"Kaso kasi, para sa akin, kung sobra naman sama ng ginagawa, hindi mo naman dapat na pabayaan na lang ng ganun, e.
"Hindi kasi ako naniniwala sa ganun na porke't pamilya mo, kadugo mo, di ba, na hayaan mo?
"Siguro puwede mong pagbigyan isa, dalawang beses. Pero pag sumobra na dun, sobrang abusado na, parang grabe na," pahayag ng aktres.
SPOILED. Naisip din ni Francine na may pagkakamali rin ang namayapa niyang ina na si Amelia Flacon kung bakit nagkaganun ang nakaalitan niyang kapatid.
"Mali rin ang pagpapalaki sa amin ng mommy ko," sabi niya.
"Yun din yung isa sa hindi ko gusto sa nangyayari. Kasi, parang lahat kami, spoiled niya, na siguro kasi hindi naman niya ini-expect na mawawala siya.
"So, mali yung pagpapalaki kasi parang masyado niyang ibinigay lahat ng gusto. Ganun, e.
"Kasi ako naman, kapag may gusto ako, tinatrabahuan ko kaya ko siya nakukuha.
"Pero itong iba namang kapatid ko, parang may gusto lang sila. Pero gusto nila nakukuha nila.
"Nasanay sila sa mommy ko na ganun, e. Hindi na ganun yung buhay, dapat alam mo yung tumulong naman sila sa akin."
Dagdag pa ni Francine; "Minsan, hangga't maari, hindi na lang ako uuwi sa bahay.
"Minsan, parang gusto ko, pag-uwi na ako sa bahay, tutulog na lang ako.
"Kasi, kahit minsan, paggising ko, parang may problema. May kung anu-anong nangyayari.
"Minsan dinededma ko na lang, e. Pero minsan kasi, hindi mo siya pwedeng dedmahin, e.
"Lalong-lalo na ako yung nag-aasikaso sa lahat kung ano mang problema, sa akin sila lahat tatakbo. So, hindi ko naman puwedeng talikuran.
"So, yun minsan, naaapektuhan ako, e.
"Ang problema ko, siyempre wala na akong magulang na puwede kong matakbuhan. Ako na lang, di ba?
"Tapos, konti lang naman yung taong pinagkakatiwalaan ko na puwede kong malapitan, o masabihan ng sama ng loob."
Mabuti't nandiyan daw ang kasintahan niyang si Bobby Yan na sumusuporta sa kanya at nagiging takbuhan niya kapag namumroblema siya.
Kay Bobby na lang daw niya ibinubuhos lahat ng sama ng loob niya.
Naniniwala si Francine na kapag maibenta na itong bahay nila, matatapos na ang problema niya dahil ibibigay na raw niya ang share na para sa kapatid niya.
Hindi na raw siya umaasang magkaayos pa sila ng kapatid.
Magsisimula raw siya sa zero, kasama ang isa niyang kapatid na kasundo niya at pinapag-aral niya.
0 comments:
Post a Comment